Buhay pa sa aking gunita ang una nating pagdaraup-palad.
Sa mainit ,malawak at halos di mahulugang-karayom na kalsada ng Mendiola ay ipinakilala ka sa akin ng isang kasama. Weirdo ang una kong tingin sa iyo. Dahil masyado kang tahimik, halos di nagsasalita. Itim na t-shirt at pantalong uniporme sa ROTC ang suot mo. Tulad ng ibang mga tao sa paligid natin, nakasandalyas ka lang din at sa ulo mo’y nakasuot ang tubao. Ang mga kamay mo’y may pulseras na gawa sa tinidor at may kwintas kang yari sa beads na itim at puti. Medyo bilugan ang katawan mo kumpara sa may kapayatan kong katawan. Mas kayumanggi ka at mahaba ang bagsak at makintab mong buhok, hanggang balikat. Manaka-nakang kamustahan lang ang ating pag-uusap pero magiliw ka naming tinanggap sa aming organisasyon.
Dahil pag-tipa ng gitara ang iyong hilig, tuwina’y ikaw ang gitarista sa mga programa na kailangan ng pagtatanghal o di kaya’y sa karaniwang jamming natin sa mga kanta ng Indigo Girls, Joan Baez, Tracy Chapman o di kaya’y kay Bob Marley. Kahit tahimik ka sa palagiang kwentuhan ng grupo, matalas naman ang salitang lumalabas sa may kaiitiman mong labi; at lumiliit ang dati ng maliit na mata; sa tuwing magpapaliwanag sa mga silid-aralang ating pinupuntahan upang magpakilos ng mga estudyante sa mga isyung panlipunan. Natatandaan ko pa, naging estudyante kita sa mga educational discussions natin at sa mga palihan sa musika at teatro, kasabay ng mga yosi sessions natin. Hindi pa nga kita pinauwi minsan dahil nagkaroon noon ng coup de’etat. Sabi ko sa ’yo, sa bahay ka na magpalipas ng gabi dahil delikadong lumabas ng kalsada; baka bigla ay mapagkamalan ka‘t damputin ng pulis o di kaya’y ng mga military kapag pagala-gala ka, malayo pa naman ang uuwian mo.
Nagpatuloy ang panahon kasabay ng ating masigasig na pag-oorganisa. Hanggang nagdesisyon tayo na lumubog sa batayang masa at magsasaka sa kanayunan. Magpapasko noon, umuwi muna ako sa probinsya para dumiskarte ng pamasahe. Pero hindi ako nakasama dahil nagkaroon ng gulo sa bahay. Nag-away kasi ang nanay at tatay ko sa mismong araw ng pasko. Nalaman ko na lang pagbalik ko sa Maynila; pagkatapos ng dalawang lingo, na nagdesisyon kang sa kanayunan na kumilos at mag-organisa.
Hindi na ako nabigla sa iyong desisyon. Alam kong darating din ang panahon na lahat tayo ay handa ng lumahok sa mas mataas na antas ng pakikibaka. Sa iyo nga lamang, naisip kong naging mas maaga ang iyong pagtanggap.
Nasabik ako nang malaman kong maaari tayong muling magkita pagkatapos ng tatlong buwan. Baon ang mga kwento at pangungumusta ng mga kasama sa lungsod, ikaw ay aking kinamayan nang magkita tayo sa larangan. Nag-iba ka. Mula sa kaanyunang pangkista sa lunsod, naging batak ang katawan mo at sunog ang balat sa mga pagsasanay at paglahok sa mga gawaing pamproduksyon sa mga magsasaka. Lalong tumalas ang mga salita at prinsipyo mo ukol sa linya ng ating pakikibaka. Ngunit nadama ko rin sa iyo ang ilang mga pangungulila. Naiwan mo kasi ang karelasyon sa lungsod, gayundin ay ang ilang buwan mo ring pagkahiwalay sa iyong pamilya. Ang nagpapalakas sa loob mo ay ang wastong linya natin, at ang pagsisilbi sa masang inaapi at pinagsasamantalahan sa kanyunan.
Hindi natin sinayang ang mga araw at gabi ng pagsasama natin sa larangan. Kung wala kang ginagawa ay panay ang palitan natin ng kwento ng pakikibaka sa magkahiwalay na nating kinikilusan. Sa huli ay nahimok mo ako pati ang ibang kasama na sumuong na rin sa armadong pakikibaka. Agad ko itong ipinaalam sa mga kasama kong dumalaw sa inyo. Ngunit hindi nila ako pinayagan. Wala raw hahawak ng mga gawaing maiiwan ko sa Maynila. Wala nga raw sa plano
ang biglaang pag-deploy sa iyo, kaya hindi maari na mawalan na naman ng isa pang mga susing tao ang ating organisasyon.
Masakit man sa loob ko, ngunit kailangan nating maghiwalay pagkatapos ng labing-limang araw naming pagdalaw sa inyo. Labag sa desisyon ko na umalis dahil ako man ay nais na ring magpaiwan. Bumalik ako sa lunsod na halos nangingilid ang luha, pabaon mo naman sa akin ang iyong pangungumusta sa iba pang kasama na hindi nakadalaw sa inyo.
Isang taon at dalawang buwan ang mabilis na lumipas. Sa kalaliman ng gabi, naisipan kong kumain sa labas kasama ang kapatid ko. Sabay sa pagsubo ko ng pagkain ay ang pagdating ng isang kasama hatid ang mapait na balita. Hindi ko na naituloy ang pagkain ko.
Agad akong umugnay sa mga kasama para makita ka. Dalawang paglubog pa ng araw ang hinintay ko makita ka lang. Pagdating ko sa ating tagpuan ay nagbago ang desisyon kong masilayan ka ng malapitan. Nakiumpok na lamang ako sa mga taong nagpunta rin para makita ka. Sapat na sa akin ang kwento ng iba pa nating kasama sa nangyari sa iyo.
Naabutan kayo ng mga kaaway sa inyong gawaing-masa. Nakatakas ka na, ngunit pinilit mong balikan ang ibang kasamang nahuli at may tinamaan. Sinubok mong matulungan sila, ngunit tinamaan ka ng punglo sa paa. Nahuli ka na rin at inagawan ng armas. Itinali ang iyong paa at binusalan ang bibig. Pagkatapos ay itinali ka sa serbisyong sasakyan ng mga kaaway upang kaladkarin sa lupa mula sa nayon patungo sa kampo. Matindi ang iyong paghihirap mula sa duguan mong katawan, at bugbog at gasgas na likuran. Pagdating sa kampo ay buhay ka pa. Ngunit binasag ang iyong mukha mula sa pagbayo ng riple ng malupit na kaaway. Pagtapos ay pinaluhod ka sa harapan nila. Alam kong hindi mo pa rin isusuko ang ating ipinaglalaban. Nagtungo sa iyong likuran ang isa sa mga kaaway. Sa kaniyang likuran ay hinugot ang punglo at itinutok sa iyong batok. Kasunod ang alingangaw sa tahimik na karimlan. Bumagsak ang iyong katawan sa lupa, nakatingala ang iyong mukha, at ang mga kamay mo’y nakaposisyon na parang hawak mo pa rin ang iyong riple. Wala ka ng buhay.
Sa huli ay hindi ko napigil ang sarili ko. Ayokong umalis sa kapilya na hindi ka masilayan, kaya nilapitan ko ang iyong kabaong para ako mismo ang makakita ng iyong sinapit. Ayokong umalis na hindi ka aalayan ng awit gaya
ng mga ginagawa natin noong magkasama pa tayo, kaya kinantahan kita ng paborito mong rebolusyonaryong awit. Ayokong umalis na hindi ako magpupugay sa pag-aalay mo ng buhay para sa ating pakikibaka, kaya pinuri ko ang iyong dakilang pag-aalay para sa sambayanan.
Umuwi ako sa bahay. Doon
ko inilabas ang lahat ng pighati ng iyong pagkawala. Sa kapilya’y gusto kong ipakita sa iyong pamilya na matatag ako, ang luhang kanina ko pa pinipigilang tumulo ay hinayaan kong umagos sa aking pisngi pagpasok ko sa aking silid. Ang panginginig ng buo kong katawan sa galit at pighati ay di ko na rin pinigilan pa.
Hayaan mo. Hindi ka man maaaring pangalanan tulad ng iba pa, hindi ako mapapagod. Lakad, hangos, takbo ang gagawin ko para pulutin ang nabitawan mong sulo ng iyong pakikibaka. Isa ako sa mga muling magsisindi at magpapaalab sa apoy ng pakikibaka.
Huwag kang mag-alala. Tinatanggap ko ang hamon. Magpapatuloy ako…